Bakuna vs. Ebola, Meron Na
Ni Clemente Celso III
MALAPIT nang mabura ang pangamba ng buong mundo sa nakapangingilabot na banta ng Ebola.
Ayon sa ulat kamakailan ng Health Day News, naging tagumpay ang resulta ng laboratory tests ng isang bakuna kontra Ebola na ginawa sa mga unggoy. Ang bakuna ay inaamoy lamang at mayroong pang-matagalang proteksyon.
Ayon kay Kristina Jonsson-Schmunk , co-author ng pag-aaral na ginawa sa University of Texas at Austin College of Pharmacy, “Mayroong matinding pangangailangan para sa isang bakuna na hindi lamang nito pinipigilan ang patuloy na pagkalat ng person-to-person transmission, kundi may kakayahan din itong pigilan ang pagkahawa sa hinaharap.”
Ayon sa co-author na si Maria Croyle, minsan lamang gagamitin ang bakuna laban sa Ebola at ito’y may pangmatagalang epekto o proteksyon.
Sa ngayon, umabot na sa mahigit 14,500 and infected at mahigit sa 5,000 namatay sa kaso ng Ebola sa West Africa. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, walang aprubado o lisensyadong bakuna laban sa Ebola sa kasalukuyan.
Ayon sa mga mananaliksik, ang inhaled vaccine ay mas praktikal sapagkat hindi na magkakaproblema sa pagbibiyahe at pag-iimbak nito sa bodega o botika. Karaniwan kasi, ang bakuna na injectable ay dapat na nasa angkop na temperature ang pagbibiyahe at storage nito, na kadalasan ay refrigerated at mawawalan nang bisa kapag nainitan nang matagal.
Ayon sa pag-aaral, umabot sa 100 percent ng mga unggoy na sinadyang ma-infect ng Ebola ang nabuhay, 150 araw matapos na sila’y gamitan ng inhaled vaccine, samantalang umabot lamang sa 50 percent ang nabuhay sa injected version ng gamot. Ang susunod na proseso ay ang pag-test nito sa tao. Pero kailangan din ang matagal na clinical trials para malaman ang epekto nito ilang buwan o higit pa matapos gumamit ng vaccine.
Inaasahan nina Jonsson-Schmunk at Croyle na walang anumang masamang side-effects ang vaccine kapag ito ay ginamit sa tao. Kung mangyayari ito, magiging ligtas na ang mundo sa panganib ng nakamamatay na Ebola virus disease.
Reperensya: www.medlineplus.com, www.healthdaynews.com